Sa isip kong pahat, wari ko'y sapat
Mga matang bukas, sa mundo'y mulat
Diwa'y nagtatanong, hindi madalumat
Kabalintuna'y naghahari sa mundong may lamat.
May isang buwayang damit ay puti
Makinang, masilaw, sinag ay masidhi
Ngunit pag imbot, sa madla'y ngumiti
ay, nakagugulat 'pagkat ngipi'y madumi.
Sa dakong Kanluran, mayroong isang manok
Pilit tumitilaok kahit na mapiyok
Silanga'y tinatangi, araw ay di maupod
Sa simenteryong kalahi ang gumawa ng puntod.
Matroon namang agilang pumapagaspas
Ipinagbubunyi sa likod ng kukong marahas
Mga mata'y bilugan, pursigidong manlimas
Ngunit bakit ganoon? sila pang itinatas.
Sa kanyang paanan may nagkukubling nilalang
Isang uod na sa hinagpis ay gumagapang
Ngunit bakit nga ba? Sino pang nahihirapan
Sila pa'ng marumi tingnan, pinandidirihan.
Buhay ng tao, isang kabalintuna
Gawaing mabuti, sa iba'y masama
Masama'y pinupuri, syang dinadakila
Sino bang magbabago yaring pita?
NosredJohn1992
Comments
Post a Comment